January 08, 2024
DAAN TUNGO SA NAKARAAN, SA MUSEO LAMANG MASISILAYAN
Akda ni: Samantha Marie A. Revillas
NATIONAL MUSEUM OF FINE ARTS
Ang National Museum of Anthropology ay matatagpuan sa P. Burgos Drive Rizal Park, Teodoro F. Valencia Cir, Ermita, Manila at ang National Museum of Fine Arts naman ay nasa Padre Burgos Ave, Ermita, Manila. Magkakalapit lamang ang mga museo na ito.
Simula ng aking pagtungtong sa ikaanim na baitang sa elementarya, dito nakuha ng kasaysayan ang aking interes at atensyon. Hindi ko alam sa kung papaanong paraan ipapaliwanag ngunit sa tuwing nakakarinig ako ng mga lugar, pangyayari, o pangalan na mula sa historya ay napapabalik-tanaw ako kahit hindi ako nabuhay noong mga panahon na iyon.
Taong 2023 buwan ng Agosto noong una naming bisitahin ang National Museum, ang museo na ito ay nahahati sa tatlo: National Museum of Fine Arts, National Museum of Anthropology at National Museum of Natural History.
Dalawa lamang sa tatlong museum na nabanggit ang aming napuntahan at sa bawat memorabilyang makikita sa loob ay mapapamangha ka sa kung papaanong ang isang bagay na mula sa nakaraan ay makapagpapagising sa natutulog mong katawan.
Mahalagang Abiso: Ang pagpasok sa museo ay walang bayad maghanda lamang ng isang valid id at magpalista sa information desk. Ang isang valid id ay kasya na para sa isang grupo.
ANG SPOLIARIUM
Pagpasok sa loob ng National Museum of Fine Arts ay sasalubong na kaagad sa iyo ang higanteng pinta ni Juan Luna na pinamagatang Spoliarium. Ang painting na ito ay nanalo ng gintong medalya sa Exposición Nacional de Bellas Artes sa Madrid.
Ang National Museum of Fine Arts ay malaki, ito ay mayroong apat na palapag at ang karaniwang mga makikita dito ay ang samu't saring sining, paintings, mga litrato, arkitektura at iba pa na bukod sa ganda at kamangha-mangha nitong hitsura, mayroon itong kuwentong ipinapakita. Dito rin makikita ang mga koleksyon ng portrait tungkol sa mga dating naging presidente ng Pilipinas, maging ang mga bayani rin na naging susi upang makamit ang ating kalayaan.
Mayroon ding parte ng museong ito ang nakalaan para sa ating pambansang bayani na si Jose Rizal. Dito makikita ang ilan sa kanyang mga sining, mahahalagang gamit, ang mga naratibo tungkol sa kanyang buhay.
Ang larawan na ito ang isa sa pinakatumatak sa akin sapagkat dito nakapinta ang mga karanasan ng mga Pilipino mula sa Pre-Colonial Period, Spanish, American, at Japan Colonization Period, maging ang naging kinahinatnan natin matapos ang pagsakop at nakamit natin ang tunay na kalayaan.
Sa museong ito matatagpuan ang mga sinaunang gamit o kasangkapan. Maging ang mga alahas na ginagamit noon ay narito rin.
Mayroon ding mga hayop at insektong nakapreserba. Maging ang iba't ibang uri ng palay na inaani ay naroon din.
Ang kagandahan sa museo, ito ay organisado, ito ay nakagrupo sa mga sinaunang gamit ng mga tao, mga pana na ginagamit sa mga liblib na lugar, at mga batong ginamit.
BAHAY KUBO
Isa sa mga simple ngunit sumisimbolo sa ating mga Pilipino ay ang bahay kubo. Sapagkat nirerepresenta nito ang ating pagiging matulungin sa kapwa na kung tawagin sa atin ay BAYANIHAN.
Sa bawat sining at mga sinaunang gamit na nakalagak dito, hindi lamang kagandahan nito ang dapat na isipin bagkus sa kung papaanong tayong mga Pilipino ay nanatiling matibay at matayog sa kabila ng mga kalunos-lunos na mga nangyari. Kahit tayo ay kulang sa mga karapatan at parang nakakulong sa sariling bansa noon ay naipakita ng ating mga ninuno na hindi ito hadlang upang ipakita ang mga talento na meron ang mga ito.
Ang tunay na kayamanan natin ay hindi lamang ang mga naggagandahan at naglalakihang mga pinta ngunit maging ang mga kasaysayang nakatatak sa likod nito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento